Mula sa malayo, may narinig ako. Parang mga yabag ng nagtatakbuhang mga kabayo…papalapit…papalakas…nakakabingi. Maya-maya pa ay para ng binabato ng bato ang bubong ng bahay. Sa simula ay mga mahihina muna ngunit kalauna’y lumalakas na ang bagsak. Paparami pa nang paparami, nakakabingi ang lakas at halos mabutas ang yero. Tumingin ako sa labas, mga tubig galing sa itaas ang nakatawag sa aking pansin. Nagulat ako, imposible…
Umuulan nga. Parang kanina lang ay mainit na mainit ang sinag ng araw na tumatama sa aking balat. Nakapagtataka nga minsan kasi nagsasabay ang pagbuhos ng ulan at sikat ng araw. Abnormal na talaga ang panahon. Hindi mahulaan kung ano ang maaaring mangyari mamaya. Hindi makayang estimahin ng isip ang mga pangayayari sa hinaharap. Hindi na puwede ang pagtatantiya at pabandying-bandying. Paano kaya ito nangyayari? Saan galing ang mga ito? Ano ang epekto nito sa tao? SINO ang salarin nito?
Ang mga pangyayaring aking napapansin ay nangyari dahil sa pagbabago ng klima o “climate change”. Ito ay nararanasan, hindi lamang ako, kundi ng buong mundo. Ang pagbabago ng klima ay nanggagaling sa sobrang greenhouse gases na pumupunta sa mundo ngunit hindi nailalabas dahil ito ay nakulong sa “kumot” na bumabalot sa mundo. Ang “kumot” na ito ay kumakapal dahil sa mga iba’t ibang elemento galing sa iba’t ibang mga bagay. Ang nakulong na init mula sa kalawakan ay dumarami at nagdudulot ng pag-init ng mundo. Ang nangyayari ngayon tulad ng mga hindi inaasahang tagtuyot, biglaang pag-init ng araw at kakapusan sa tubig ay ilan lamang sa mga epekto nito. Ang mga hindi inaasahang pag-ulan naman ay dahilan din ng pagbabago ng klima. Sa sobrang init, madaling maging “vapor” ang tubig sa mga dagat, lawa, atbp. Ang mga “vapor” na ito ay hinahangin paitaas at nasasama sa mga ulap. Kapag puno na ang ulap, babagsak na ang mga “water vapor” bilang ulan at Plok…Plok…Plok…ulan na!
Kung ito ay lalala, hindi na rin matutukoy kung hanggang saan ang makakaya ng mundo dahil sa paiba-ibang klima. Hindi maiiwasan ang pagbalik sa iyo ng anumang ginawa mong masama. Ang tao rin mismo ang may sala sa nararanasan natin ngayon. Tapon dito, tapon doon. Dura dito, dura doon. Basura dito, basura doon at saan ka man lumingon. Mayroon namang basurahan na maaari mong paglagyan ng iyong mga kalat, bakit hindi mo roon ilagay? Mayroon din namang lugar na kung saan doon tinatambak ang mga basura upang mapakinabangan pa, bakit nagtatamad-tamaran ka? Kumilos na at simulan ang pagbabago. Ngunit ang tanong ng marami, PAANO BA?
Maaaring makatulong ang simpleng pagtatapon ng mga basura sa tamang lalagyan. Sa pamamagitan nito, hindi na mababara ang bawat agusan ng tubig sa buong bansa. Pangalawa, ihiwalay ang plastik sa mga papel at dahon. Pagisa-isahin ang mga lata, karton, plastiks, at bubog. Ang mga ito ay maaaring ibenta sa mga junk shops na nagkalat sa iba’t ibang lugar. Ang mga papel naman ay puwede ring i-recycle o ‘di kaya’y ibenta sa mga factory kung saan gumagawa sila ng “recycled paper”. Ito ay mga papel na gawa sa mga patapong papel. Pangatlo ay ang hindi pagsusunog ng mga plastiks. Ang usok na nanggagaling sa pagsusunog ng plastik ay nakasisira sa ozone layer, ang nagsisilbing proteksyon natin sa ating balat laban sa mga UV rays na inilalabas ng araw. Pinapanipis ng usok na ito ang ozone layer at sa kasalukuyan ay napapabalitang butas na ito. Pang-apat, panatilihing malinis ang buong bahay. Makakapagdulot ito ng isang magandang tanawin at nasayang disposisyon ng isang tao. Para isuma total, kailangan ng disiplina ng bawat isa sa atin. Huwag dapat tayong matigas ang ulo. Para rin ito sa ating ikabubuti kaya mas mabuting gumawa tayo ng mga mabubuting gawa. Lahat ng ginawa ng Diyos ay para sa ating mga tao ngunit isa lamang Kanyang hiniling. Ito ay pag-ingatan natin ag lahat ng ito at mahalin ang mga kapwa mo gaya ng pagmamahal Niya sa iyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento